feature, pg forum

Halina’t Ipalaganap ang Baybayin

ni Gregorio V. Bituin Jr.

kung babalikan natin itong kasaysayan
may panulat na tayong pantigan, baybayin
at nito ngang isang siglong nakararaan
salitang alibata’y inimbento mandin
ngunit bakit ba pilit kinakalimutan
ang sariling panulat ng ninuno natin
tila tayo binunot sa pinag-ugatan
memorya ng bayan ay tinaboy sa hangin
maglabas tayo ng sariling pahayagan
na ang gagamiting panulat ay baybayin
isa-baybayin ang balita’t kaalaman
agham, tula, sanaysay, kwento’t lathalain
ito’y isang masalimuot na usapin
na dapat pag-usapan at pagkaisahan
ang pondo’t makinarya’y saan manggagaling
sinong magdidibuho nitong pahayagan
sinong magsusulat, titiyak ng sulatin
lahat ng ito’y dapat nating pag-isipan
paano lalago ang binhi ng baybayin
paano diligan, paano alagaan
upang pahayagan ay masimulan natin
dapat buuin na ang isang patnugutan
lahat ng kailangan ay dapat ayusin
upang adhikang ito’y maging kaganapan