Presyo ng isda, sana ibaba
Bakit mahal ang presyo ng bilihin sa Puerto Galera? Isang pang-karaniwang katanungan na walang tiyak na kasagutan.
Gawin nating simple at paliitin natin ang saklaw. Bakit mahal ang presyo ng isda sa Puerto Galera?
Ang sagot daw ay dahil tayo ay isang “tourist town”, marami daw turista dito at “can afford” ang mga taga-Puerto.

Himayin natin ang sagot na ito. Sa lahat ba ng “tourist town” ay mahal ang bilihin. Mali, di ba? Maraming “tourist towns” na mura ang bilihin, tulad ng Cebu, Davao, Baguio, Palawan at kahit sa Boracay.
“Can afford” daw ang taga-Puerto, o ibig sabihin ay kayang bumili kahit mataas ang presyo. Tama ba ito, mali din? Oo nga at marami ang kumita mula sa turismo subalit lahat ba ay kumikita ng malaki mula sa industriyang ito. Kung iisipin, ang tanging kumikita ng malaki ay yung may ari-arian sa Sabang at San Isidro. Labing-isang barangay o 80 porsyento ng populasyon ng Puerto ay hindi direktang nakikinabang sa turismo. Sa madali’t sabi, mas marami ang hindi “can afford” sa taga-Puerto Galera.
Malinaw na hindi ito yung tinatawag na “law of supply and demand”. Sa totoo lang maraming supply, pero kahit marami supply mahal pa rin ang isda.
Ayon sa isang tindera ng isda sa palengke maliit lang daw ang patong sa isdang ibinebenta nila kada kilo. Sampung piso lang daw.
Subalit ng tanongin namin ang iba sa palengke, hindi raw ito kapani-paniwala.
May bumulong sa amin na ang karaniwang tubo ay mula 25 hanggang 40 piso kada kilo.
Sinabi naman ng isang mangingisda ibenebenta nila sa “middleman” ng mura at ito ay ibenebenta sa palengke ng halos doble kada kilo. Ayon sa kanya depende ang presyo ng isda sa dami ng nahuhuli at sa klase ng isda.
Ang nakakapagtaka pa ay kapag ang isa ay nag-presyo ng halimbawa 200 lahat ng nagtitinda ng isda ay 200 rin ang pagbebenta. Eto daw ay kasunduan na ng mga mag-iisda.
Lahat po tayo ay gusto kumita. Sana lamang ay isipin natin na kawawa naman ang mga kababayan natin na hindi kayang makipag-sabayan dun sa mga mayayaman.
Meron pong solusyon dito sa problemang ito. Kaya natin na kontrolin ang presyo ng bilihin, partikular ang presyo ng isda.
Muli tayong manawagan sa Sangguniang Bayan. Tulungan ninyo kami na magbuo ng isang kooperatiba. Ang kooperatiba ang mamimili ng isda at ibebenta ito sa presyong tama at makatuwiran. Ang kooperatiba ang magdidikta ng presyo ng isda sa palengke.
Sa ating mga konsehal, kapag nagawa ninyo ito, lalo kayong mamahalin ng mga taga-Puerto Galera.
Sa mga mag-iisda, tingnan po ninyo ang ekonomiya ng taga-Puerto Galera at tingnan ninyo ang stratehiya sa pagbebenta. Maraming resort at restaurant ang hindi sa inyo bumibili ng isda dahil meron silang nakukunan na mas mura. Ang isa ay sa Abra pa bumibili dahil kung sa palengke ay baka wala na siyang tubuin habang ang isa naman ay sa isang supplier kumukuha at hindi sa palengke.
Pwedeng makatulong sa inyo ang Sangguniang Bayan. Kausapin ninyo ang mga konsehal na magpasa ng isang resolusyon na hinihimok ang mga may-ari ng resort at restaurant na sa inyo bumili ng isda. Yun nga lang, pagkaisahan ninyo na ibaba ang presyo ng isda. Ika nga ng Intsik, pag mura marami bili, pag marami bili laki kita. Sa huli, tayong lahat ay makikinabang dito.

