Father Erwin Thiel ng Puerto Galera
(Isinulat ni Verginia Lineses Gutierrez)
Taong 1902, ika 15 ng Hulyo, sa Berlin, West German, isinilang si Fr. Erwin Thiel SVD. Siya ay panganay sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang ama ay isang protestante, samantalang ang kanyang ina ay isang debotong Katoliko. Gayunpaman hindi ito naging hadlang upang ang kanyang mga magulang ay maikasal sa simbahang Katoliko. Dahil sa pagmamahal, nagawa pa ng kanyang ama na ipagtanim ng bulaklak na rosas ang kanyang ina upang may maialay ito sa Imahen ng Mahal na Birhen. Ang kanyang ina ay kinakitaan niya ng pagmamahal at pagkalinga sa mahihirap. Ito ay isang ugali na namana niya at isinagawa maging dito sa ating bayan.
Labing limang taon gulang siya nang magtrabaho sa terxtile company, kung saan siya napilayan dahil sa pag kaipit ng kanyang hita sa roweda ng makina. Gusto ng kanyang ama na maging isang inhenyero siya, ngunit maging pari naman sa kanyang ina. Noong panahon iyon, laganap ang balitang milagro ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Ang mga maysakit na dumarayo dito ay gumagaling. Kaya si Father ay isinama ng kanyang ina sa Mahal na Birhen ng Lourdes upang hilingin ang kagalingan ng kanyang hita. Nang umuwi na sila ang saklay ay kanyang iniwan na sa Lourdes at nakalakad na siya ng maayos. Dahil sa himalang ito, nagpabinyag sa Katoliko ang kanyang ama at pumayag na ring maging pari siya. Masayang masaya ang kanyang ama noong siya’y pari na, at ipinagmalaki pa sa lahat na may anak na siyang pari.
Isa siyang mabuting pari at kristyano na naging dahilan upang siya’y hulihin at ikulong ng mga Nazi. Gayundin ang ibang mga pari sa Berlin. Nang magkaroon sila ng pagkakataon, kasama nang isang bilanggong Obispo sila ay nakatakas sa piitan. Napadpad siya dito sa Pilipinas, at taong 1940 ipinadala siya sa Calapan, Oriental Mindoro. Dito’y naglingkod siya bilang Parish Priest sa panahon ni Rev. Bishop William Finnemann S.V.D. Panahon din ng mga Hapon noon at muli siya ay nakulong ng mga Hapon. Kasama sina Father Bernardo Pues S.V.D at Bishop William Finnemann S.V.D at iba pa pang Pilipino sa Calapan. Mapalad sila ni Father Pues at hindi sila isinama nang binuntugan si Bishop Finnemann noong October 26, 1942 sa pagitan ng Isla Verde at Batangas malalim ang dapat at malakas ang agos sa may Matoco.
Taong 1943, si Father Thiel ay naging Parish Priest sa Bongabong, Oriental Mindoro. Dito itinatag niya ang paaralang Saint Joseph Academy bilang tulong sa mga kabataan doon. Tinulungan din niya ang mga Mangyan sa bayang ito. Labintatlong taon din siyang nakapaglingkod dito.
Mayo 1956, si Father Thiel ay nadestino rito sa Puerto Galera, Oriental Mindoro. Dala ng pagiging matulungin lalo na sa mga mangyan, inalam kaagad niya kung saan nakatira ang mga ito. Una niyang nakilala ang pamilya ni Perto Evangelista at agad ipinagpagawa ng kubo at ipinagamot dahil ang buong pamilya ay puno ng buni. Gumaling silang lahat sa sakit na buni, ngunit may namatay dahil sa malignant malaria na ikinagalit nila kay Fr. Thiel na dahil daw sa gamot kaya namatay. Ipinaliwanag naman ni Dra. Panganiban ang dahilan, na lahat sila ay ginamot niya at isa lamang ang namatay. Kasabay ng paghahanap niya sa mga mangyan ay inalam din niya kung anong samahan ng simbahan meroon dito. Noon Apostolado ng panalangin pa lamang, na sila ring nakausap niya dahil nagsimba sila.
Inanyayahan ni Father ang mga asawa ng mga nagsisimba sa misa niya. Inanyayahan din niya ang punong bayan na si Alkalde o Mayor Leoncio Axalan Sr. at ilang matatanda sa bayan na kung tawagin niya ay mga haligi ng bayan. Tumawag siya ng pagpupulong sa mga lalaking inanyayahan at nagtatag ng isang samahan para sa mga lalaki. Ito’y ang Holy Name Society. Ang napiling maging pangulo ng samahan ay si Mayor Leoncio Axalan Sr.
Kinausap din niya ang ilang katekista, sa panahon ni Father Juan School S.V.D. Nag anyaya pa siya ng ibang katekista upang bigyan ng seminar para sa darating na pasukan sa mga paaralan.
Inalam din niya kung ilan ang mga malalayong lugar upang siyang unang lagyan ng kapilya, tulad ng Sinandigan, Sabang, Aninuan, San Isidro, Balatero at Dulangan. Mahirap daw sa kanilang umabot sa misa rito sa bayan dahil walang sasakyan at masama ang daan. Masaya raw siya dahil mayroon siyang simbahan na puwede niyang pagmisahan kahit maliit lamang ang kanyang tirahan.
Pagkatapos ng kanyang mga plano para sa parokya nag-anyaya siya ng makakasama sa kumbento, at sa pagpunta sa mga barrio at para rin sa marami niyang mga pagawain. Sina Claudio Umali, Melchor Sur, Maximo Gutierrez ang kanyang mga naging kasama. Subalit si Claudio ay hindi nagtagal dahil nag-asawa na.
Kararating pa lamang niya rito sa Puerto Galera ay isinilibra ng mga kaparian at ilang mga madre sa Calapan ang kanyang ika- 25 taon pagkapari ang Obispo noon ay si Rev. Bishop William Dunchak S.V.D. Sa pangangasiwa ni Father Schenk S.V.D.
Ang ginagamit na sasakyan ni Father pag nagmimisa sa San Antonio, Duluruan at Sabang ay isang bangka, na kinabitan ng five horse power na motor, kasama kami bilang katekista at sakristan. Sa lugar na maaaring lakarin ay nilalakad na lamang. Kapag sa San Isidro naman ang misa asy nakikisakay sa malalaking bangka kasama rin kami.
Hindi pa rin nadala si Father sa naging karanasan sa pamilya ni Perto Evangelista. Ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aanyaya sa mga mangyan. Nagpatayo pa ng isang kamalig sa Big Tabinay upang doon sila turuan ng katesismo sa simula pagbasa, pagsulat, pagbilang at kalinisan. Sa simula 20 pamilya ang dumadalo buhat sa itaas ng Dulangan, Tabinay at Balatero. Pagkalipas ng isang buwan pati taga Villa Flor hanggang Talipanan ay dumadalo na rin kaya umabot sa 87 pamilya ang dumadalo. Dito na rin sila pinakakain pagkatapos ng pag-aaral at bumabalik sila sa kani- kanilang lugar.
Pagkalipas ng ilang buwan gustong malaman ni Bishop William Duschak SVD kung may natututunan ang mga mangyan. Kaya nagkaroon ng kombensiyon dito sa Tabinay na dinaluhan ng Obispo at siya mismo ang nagtatanong tungkol sa katesismo at sa Bibliya lahat halos ay nakakasagot. Natuwa ang Obispo, kaya sinabi niya kay Father Thiel na ilipat na lamang dito sa bayan ang 87 na pamilya. Ipinagpagawa ng tirahan at paaralan doon sa kinatatayuan ng meserior clinic. Marami ang may mga sakit sa baga, buni, bubas at iba pang sakit na nakakahawa. Kaya nagpagawa si Father ng limang kubong yari sa kawayan, buli at kugon. Ang lahat na may sakit ay pinalipat sa kubo.
Noong sila’y dito na nakatira sa bayan pati pananahi, paghahabi, paggawa ng sombrero, pagluluto, at paglalaba ay itinuturo na rin. Marami silang natutunan noon na hanggang ngayon ay nagagamit nila.
Habang narito ang mga mangyan naituro rin sa kanila ang kahalagahan ng pitong sakramento at kung ano ang mga ito. Kaya silang lahat ay nabinyagan, nakumpilan, nagkumpisal, nakinabang at ipinakasal may ilang napahiran ng banal na langis. Isang sakong bigas at dalawang kahong sardinas at iba pang de lata ang nauubos sa isang araw. Kaya si Father ay pumunta sa Manila sa Catholic Relief, at humingi ng tulong. Nagpadala ang Catholic Relief ng bigas, bolgor, mais, harina, kwaker, gatas at mga damit
Nang Makita ito ng mga tagalog may mga nagtatanong kung bakit mga mangyan lamang ang tinutulungan ni Father ay wala raw mapapala sa kanila. Sabi naman ni Father inuunawa ko lamang sila dahil mas mahirap sila.
Nagpagawa si Father ng card na may tatak ng silyo ng simbahan, para sa lahat na pamilyang tagalog, upang mabigyan na rin ng mga harina, mais, bolgor, kwaker at gatas. Iba ibang baryo ang binibigyan ng rasyon bawat araw.
Si Father Thiel ay nagpagawa ng Grotto sa may likod ng simbahan sa tapat ng paaralan. Taga Bongabong si Mang Dalma ang naggawa nito, sa tulong din ng mga apostolada sa pamamagitan ng paghahakot ng mga bato at buhangin. Sila rin ang nagtanim ng mga bulaklak na rosas at iba pang bulaklak sa paligid ng simbahan at Grotto. Ang grottong ito ang pinag-alayan ng mahal na Birhen ng Fatima na buhat pa sa Portugal na inilibot sa buong Pilipinas at dito ibinigay sa Puerto Galera, dahil noon ito ang bayan na lahat katoliko. Dumating dito sa bayan ng Puerto Galera ang mahal na Birhen ng Fatima noong May 13, 1959. Ito ang unang pagdaraos ng Pilgrimage rito sa bayang ito. Inihatid ng mga taga Calapan, at lahat na mga pari at mga parokyano ng Silangang Mindoro. Sa Grotto inilagay at dito rin sila nagmimisa ang mga pari kasama ang kanikanilang parokyano. Buong maghapong may nagmimisa rito. Dahil sa ito ang bayan ng Katoliko, kaya pag may dumarating na ibang sekta at nabalitaan ni Father, inaalam agad niya kung saan nakatira. Pinupuntahan at pinakikiusapan ang may ari ng bahay, na paalisin na lamang sila. Noon din nagsimula na ang lahat na bahay ay nilagyan ng Ave Maria sa taas ng pinto, tanda na ang lahat na taga Puerto Galera ay Katoliko. Naglagay din ng Labing-apat na Estasyon o Daan ng Krus sa labas ng simbahan buhat sa lugar ng Museum paikot sa baba ng simbahan malapit sa dagat paakyat sa may grotto ng Fatima patuloy sa baba ng paaralan ng PGA at natatapos sa tapat ng malaking puno ng mangga, at doon nakalagay ang ika- XIV Estasyon sa may puno ng Tsiko.
1959 din bago pumunta si Father sa Germay, pinag aral niya si Maximo sa Carpentry shop ni brother Richard at Brother Wonirabot sa Christ the King. May araw na sa Philippine College of Art and Trade naman siya pumapasok. Pagkatapos niya rito, sa Rattan Craft, Valdez Factory sa Angeles, Pampanga siya pinapasok. Dalawang taon din siyang palipat-lipat sa tatlong lugar na ito. Nang siya ay bumalik na rito nag-anyaya si Father ng gustong mag-aral at may hilig rin sa carpentry at tuturuan sila ni Maximo. May mga tumugon sa paanyaya ni father. Sina Sancho Ceniza, Rolando Axalan, Panchito Torcuator, Efren Balita, Antonio Persia, Danilo Lineses at Pablito Lalongisip may mga mangyan din.
Sa marami niyang balak ipagawa kinailangan niyang pumunta sa Germany upang humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan at mga benefactors. Hindi naman siya nabigo. Sang-ayon sa kanya hindi lahat na nagbibigay ay mayayaman, subalit regular silang nagbibigay sa kanyang trust fund. Kaya naipatayo na rin niya ang kumbento.
Pagkabalik niya buhat sa Germany dinugtungan at pinalaki ang ating simbahan at nilagyan ng mataas na kampanaryo na may tatlong malalaking kampana at tabernakulo buhat pa sa Germany.
Pinalagyan ang mga barrio o barangay ng kapilya at nagtatag ng ibat ibang samahang pangrelihiyon. Inakit niya ang mga tao na lalong mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng kristyanong edukasyon para sa kanila.
Noong makalipat na ang mga mangyan sa Baclayan, lagi rin kami doon. Nagawa ng rice tereses marami ring naaning palay dito. Pinaturuan din sila sa mag asawang Peace Corps Mr and Mrs. Bonita Bacman para sa wastong pagtatanim ng repolyo, culrabi, carots, kamatis na malalaki at iba pang mga gulayin. Ang mga bunga ay ibinababa sa bayan sa kanilang Baclayan Cooperative Store.
Nais din ni father mabigyan ng magandang edukasyon ang mga Mangyan. Kaya pumunta siya sa Manila kasama ang labing isang mangyan, upang humingi ng pahintulot ang ipapatayo niyangpaaralan para sa mga mangyan, na kikilalanin ng pamahalaan. Inilapit niya ito kay Unang Ginang Imelda Marcos kaya naipatayo ang Mangyan Trade School. Nag aral ang mga kabataang mangyan dito. Simula 1962 hanggang 1966. Hindi sila nagtagal sa paaralang ito, sapagkat mas ninais nilang mamuhay sa kanilang likas na kinagawian sa kabundukan. Ang 87 pamilya rito sa bayan ay inilipat na sa Baclayan kasama ang mga batang nag-aaral sa Mangyan Trade School. Lumipat sila sa binili ni Father na 33 ektaryang lupa sa Baclayan para sa kanila. Nabuksan din ang paaralan doon upang ipagpatuloy ang kanilang pagaaral. Nagpagawa rin ng kapilya para sa Banal na Misa. Nagpatayo rin ng ilang bahay para sa mga gustong tumigil sa Baclayan. Pinagawan din ng daan buhat sa Small Tabinay hanggang Baclayan.
Ang dating Mangyan Trade School ay pinalaki at ginawang Puerto Galera Academy may mga nagbigay ng tulong kay Father sa marami niyang pagawain. Si Mr. Antonio Taylor ang nagbigay ng mga picadas ng marmol, sahig sa altar at sa mesa na pinagmimisahan. Si Mr. Buena na may logging Consision sa San Teodoro ang nagbigay ng malalaking tablang troso para rin sa marami niyang pagawain. Ang mga troso ay doon itinatambak sa Muelle, walang bahay dito noon. Sa gabi pag mataas ang tubig o taog isa-isang hinihila ang mga troso nina Fr.Thiel, Fr.Togonon, Maximo at Melchor. Ito ay dinadala sa baba sa tapat ng grotto upang doon ipalagari sang-ayon sa sukat na kailangan.
Para sa mga taga malayo na nag-aaral sa Puerto Galera Academy nagpagawa rin ng dormitoryo isa para sa mga lalaki San Tarsisius at para sa mga babae Santa Maria Goretti.
Nabalitaan ni Father na may naghuhukay ng mga antiks sa Bayanan at ang mga basag ay itinatapon o iniiwan na lamang, hiningi niya ang mga ito. Sa tulong nina Pablo Lineses, Estanislao Cobarrubias jr., Maximo Gutierrez at Melchor Sur. Kinulekta nilang lahat ang mga basag na iniwan na antiks. Nangako si Father na hindi niya aalisin ang lahat ng ito sa Puerto Galera. Sa pangangasiwa niya kasama si Virginia na siyang naglinis at nagbuo ng lahat na basag na antiks. Dahil dito nagkaroon ng Museum sa ating bayan na ipinangalan kay Fr Thiel.
Nagpahukay din si father sa Baclayan, at sa Tangalan at may nakuha rin antiks kaya meron din sa Museum na galing sa Tangalan at sa Baclayan
Sa mungkahi ni Pablo Lineses na magkaroon ng sariling pagamutan ang mga Mangyan at para rin sa lahat na taga rito sa Puerto Galera. Si Fr.Thiel ay nagsikap na humingi ng tulong sa kanyang bansa sa pahintulot at tulong na rin ni Bishop William Duschak ay naipagawa ang pagamutan. Kaya may Misereor Clinic dito sa ating bayan na noon ay may kumpletong kagamitan at gamot. Unang naglingkod dito sina Pablo Lineses, Estelita Abac, Dr.Garcia, at Sister Carmen Castro, bilang volunteer doctors. Ang mga gamot noon ay buhat sa Germany at lebring ibinibigay sa mga maysakit na mga mamamayan.
Noong May 1981 ay isinilibra ni Fr. Thiel SVD, ang kanyang ika – 50 taon ng pagkapari sa ating bayan Puerto Galera. Si Rev. Bishop Simeon Valerio ang Obispo sa pangangasiwa ni Father Eswald Dentes SVD na dinaluhan ng lahat na mga pari at mamamayan.
Nakita ng pamahalaan ang lahat na pagsisikap ni Father upang ang bayang ito ay umunlad kaya naging Adopted Son siya ng Puerto Galera.
Pagkatapos ng Misereor Clinic dito sa bayan, Pusilum naman ang ipinatayo sa dalawang ektaryang lupa sa Tangalan na ibinigay ni Teodora Axalan Lineses kay Bishop Duschak SVD at kay Father Thiel SVD. sa pakiusap na ito ay para sa retreat house at tirahan ng matatanda na at may sakit na mga pari. Kaya’t nang malimit na si Father magkasakit, sa Tangalan na siya tumira, si Father Schenk SVD ang humalili sa kanya bilang Parish Priest. Ngunit nang lumubha na ang kanyang sakit sa puso at arthritis nakiusap siya kay Bishop Valerio SVD na lilipat na lamang siya sa bahay ni Maximo at Verginia na silang nagaalaga sa kanila sa Tangalan. Ito ay para rin mapalapit sa kanyang manggagamot.
Sa pitong taon niyang pagtira sa amin ay pitong taon din na araw araw ay nagmimisa siya kahit nakaupo, at kung minsan pati si Bishop William Duschak SVD at iba pang mga pari ay kasama niya sa pagmimisa, kapag dumadalaw sa kanya.
Para sa aming pamilya malaking biyaya ang pagtigil niya sa amin. Dahil sa Banal na Misa na araw araw na ginagawa niya. Simula 1976 hanggang 1982.
Habang si Father ay nakatira sa amin hindi rin nakakalimutan ang kanyang kaarawan taon taon ng mga kaibigan, kakilala, at mga mag-aaral sa PGA siya ay hinahandugan ng mga awit at bulaklak rosas.
Pebrero 1982 tumaas ang dugo ni Father at agad comatose na umabot ng tatlong buwan. Salamat sa Diyos at sa malaking tulong ni Merlita Villaruel Lineses, hindi siya nagkasugat. Marami ang dumadalaw at nagdarasal para sa kanya.
Simula 1980 si Father Cenon Garcia isang Scholar ang Parish Priest na humalili kay Father Schenk SVD. Kaya nang si Fr. Thiel ay malapit ng mamatay si Father Cenon Garcia ang kaharap na nagdarasal at mga apostolada na nagdarasal din hanggang sa kanyang pagkamatay, noong April 26, 1982. Mapayapa at maganda ang kanyang kamatayan. Ibinurol ng tatlong araw dito sa bahay. Inilibing sa lugar na sinabi niya noong siya ay malakas pa. Sa bayan na kanyang pinakamamahal.