Krisis sa tubig, pahirap sa mahihirap
Ang supply ng tubig ang pangunahing serbisyo ng pamahalaan subalit taon-taon ay bigo ang pamahalaan na mabigyan ng sapat na tubig ang maraming barangay sa Puerto Galera.
Ngayon, dumaranas ng matinding problema sa tubig ang Poblacion, Palangan, Sabang, Sinandigan at iba pang barangay. Sa ibang sitio, halos 3 araw bago datnan ng patubig.
Pinuputakti ng reklamo ang opisina ng patubig na walang tigil ang trabaho para kahit papaano ay mabigyang lunas ang kawalan ng tubig.
Tanong ng taumbayan: Bakit walang tubig?
Ayon kay Maurito Manongsong ng opisina ng patubig, ang level ng tubig sa “intake tank” sa Baclayan ay 40 centimeters lamang. Dahil dito kulang ang tubig na na-iimbak sa mga “reservoir tank” na siyang nag-susupply ng patubig sa mga barangay.
Na-obserbahan din sa ginawang “ocular inspection” ng mga opsiyal ng pamahalaan na maraming tubig mula sa mga bukal ang hindi na pumapasok sa “intake tank” at sa halip ay sa ibabaw at tagiliran ng tanke ito dumadaloy. Anila, nasasayang ang mahigit 80% at 20% lang ang nagagamit ng taumbayan.
Ang solusyon, dagdag nila, ay hulihin ang mga tubig na nasasayang sapamamagitan ng isang mini-dam. Subalit, hindi kumbinsido si Mun. Engr. Rod Manongsong. Sa kanyang opinyon mas epektibo ang magtayo ng mas malaking “intake tank” keysa sa mini-dam.
Ayon kay Maurito Manongsong ang bagong “intake tank” ay magkakahalaga ng halos 1.2 milyung piso. Bukod pa dito, kailangan ding gastosan ang mga bagong tubo na ilalatag mula sa “intake tank” patungo sa mga “reservoir tank” at patungo sa mga barangay.
Water Forum
Dismayado ang ilang naka-attend sa ginawang water forum ng PGB-TEA, isang asosasyon ng mga negosyante sa Puerto Galera. Anila, gusto nilang marinig ang dahilan kung bakit walang tubig at ano ang solusyon ng pamahalaan subalit hindi ito ang napag-usapan sa forum.
Sinagot ni Mayor Hubbert Dolor ang mga tanong tungkol sa Puerto Galera Infrastructure Corporation, kilala sa tawag na Consortium. Ang Consortium ang kompanya na nanalo sa mga proyektong patubig at SWTP ng munisipyo.
Sinabi ni Mayor Dolor na hindi masimulan ang proyekto sa patubig na inilunsad niya noon pang 2008 dahil sa mga kasong isinampa ni Mr. Kiddo Kalaw. Pa-ulit ulit na sinabi ng Punongbayan na paki-usapan si Mr. Kalaw na i-atras ang demanda para ang proyekto ay magsimula na.
Tinanong din ni Mayor ang mga tao kung payag silang isa-pribado ang patubig. Iilan lamang ang nagtaas ng kanilang kamay at maliwanag na marami ang tutol dito.
Marami ang nagtaka kung bakit tinanong ito ni Mayor. Anila, di ba ang kontrata ng Consortium na pinirmahan ni Mayor ay pag-sasapribado ng patubig? Ang isa sa kahulugan ng “privatization” ay ang pagbibigay ng kontrol ng isang serbisyo ng pamahalaan sa pribadong sektor.
Nakalagay sa Memorandum of Agreement (MOA) tungkol sa Water Rehabilitation and Expansion Project na ang Consortium sapamamagitan ng isa pang kompanya, technically ang bahala sa operation, maintenance at management ng patubig ng Puerto Galera sa loob ng 25 taon.
Water Crisis Committee
Bilang tugon sa lumalalang krisis sa tubig, nagtayo kamakailan lamang ang Sangguniang Bayan ng Water Crisis Management Committee upang hanapan ng solusyon ang problema sa patubig. Pinamumunuan nina Konsehal Edwin Axalan at Konsehal Melchor Arago ang nasabing komitiba na binigyan ng kalahating milyong pondo para agad ma-resolba ang krisis.
Isa sa napagkasunduan ng komitiba ay hindi na hintayin ang patubig ng Consortium at agad gumawa ng aksyon kahit ito ay gamot kabayo o pansamatala lamang.
Sa unang pulong ng komitiba, isinumite ni Engr. Rod Manongsong ang plano para sa mas malaking “intake tank”. Kung masasalap ang lahat ng tubig sa bukal, magkakaroon ng sapat na supply ng tubig sa mga tanke.
Agad namang na sinigurado ng mga Konsehal na sisikapin nila na maghanap ng pondo para sa solusyon na isinumite ni Engr. Manongsong.
Ang aming panawagan
Panawagan namin sa mga Kagalang-galang na opisyales ng pamahalaan, kayo na mga Lingkod ng Bayan, na bigyan ng pangunahing atensyon ang problema sa patubig. Ibig sabihin, bago mag-isip ng iba pang programa at proyekto ay ituon ang pansin, talino at pondo sa ikasa-saayos ng patubig. Walang dahilan para hindi ito ma-solusyunan. Ang pangunahing serbisyo ng pamahalaan, totoo, ay ang patubig. Hindi dapat mabigo ang pamahalaan dito o maghintay sa solusyon na isang pangarap lamang.
Maging agresibo sana ang pamahalaan at walang patid sa paghahanap ng tamang programa sa patubig. Tama lamang na umaksyon ang Sangguniang Bayan. Subalit huwag lamang sana sa salita mauwi ang lahat.
Kung tunay na totoo kayo sa pangakong reresolbahin ang krisis sa tubig, hinihimok namin kayo na bawasan ang mga pondo para sa travelling allowances, seminars, trainings, financial aid, sa mga festivals, office supplies, et cetera, at ilagak lahat ito sa programa sa patubig.
Magkakaroon lamang ng agarang aksyon kung merong pondo na gagamitin para sa patubig. Kung walang pondo, lahat ng ito’y satsat lamang.
Huwag magpatumpik-tumpik o kaya ay mag-papogi. Hindi yan ang kailangan ng bayan. Ang kailangan namin ay tubig. Uhaw na uhaw na kami sa sapat at malinis na tubig, parang awa ninyo na.