Kasaysayan ng ating parokya
Patnugot: Sa darating na ika-8 ng Setyembre taong kasalukuyan, ipagdiriwang ng ating parokya ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, kaya’t minarapat namin na isulat ang kasaysayan ng ating simbahan.
Ang kasaysayan ng simbahan ng Mindoro ay nagsimula noong 1572 nang ang mga Kastila kasama ang mga paring Agostino ay dumating sa Minolo, Puerto Galera at doo’y unang bumuo ng isang kristiyanong komunidad.
Ang Puerto Galera, na ang kahulugan ay “port of galleons” o daungan ng mga Galleon, ay ginawang kabisera ng Mindoro noong 1574 ng mga unang misyonerong kastila at opisyal ng gobyerno dahilan sa pagiging malapit nito sa isla ng Luzon, pagkakaroon ng mahusay na daungan ng mga barko at kaakit-akit na kapaligiran.
Ang materyal at spiritual na impluwensiya ng mga dayuhan sa Puerto Galera ay nag-iwan ng mga konkretong tanda hanggang sa panahong ito. Mapapansin ninuman ang mga bahay-tanuran at toreng bantayan na itinatayo sa tuktok ng nakapalibot na mga bundok na may layuning ipagsanggalang ang bayan sa mga pagsalakay ng mga piratang Moro.
Ang puntod sa Muelle ay isa pang alaala ng nakalipas na panahon. Nakaukit dito ang mga katagang Espanyol na nagsasabi ng ganito: Ultima tierra que pesaron los tripolantes del Cañonero Marivelles el 18 de Noviembre 1879. Naglagay ng isang krus para sa alaala ng barkong Cañonero Marivelles na winasak ng bagyo kasama ang mga tripolante nito na nagbantay sa karagatan ng Puerto Galera.
Noong 1938, binago ng isang manlalakbay na kastila na nagngangalang Luis Gomez y Sotto ang krus. Ngunit ang pinakamahalagang pamana ay ang pagiging tapat ng mga tao sa kanilang pananampalataya.
Ang mga sumusunod ay ang mga paring Recolleto na nananahan sa bayan ayon sa mga talaan na nakalap ni Ginoong Estanislao Cobarrubias Sr.;
Fr. Marcelino Landa – 1868-1869
Fr. Fidel de Blas – 1870-1871
Fr. Casimiro Esendero – 1872-1875
Fr. Gervacio Seguna – 1876-1879
Fr. Candito Puerta – 1880-1884
Fr. Benito Ruiz – 1885-1886
Fr. Jose Lambon – 1887-1888
Fr. Benito Ogada – 1889-1890
Fr. Gregorio Paredes – 1891-1893
Fr. Victor Oscon – 1894-1896
Fr. Santos Leynon – 1897?
Simula 1897 hanggang 1946, walang permanenteng pari na naitalaga sa Puerto Galera. Wala ring simbahan o kumbento dahil ang mga ito ay sinira ng lindol. Gayunman, isang pari mula sa Calapan ang paminsan-minsang dumadalaw upang daluhan ang mga spiritual na pangangailangan ng mga tao.
Noong 1947, ang misyonerong si Fr. John Steiger, SVD, ay itinalaga sa parokyang ito. Siya ang namahala sa pagtatayo ng maliit na parokya rito. Sa simula, walang tiyak na lugar para sa pagsamba at ang mga tao ay nagtitipon lamang sa harap ng isang altar na nakalagay sa dingding. Hindi nagtagal, ito ay napalitan ng isang kapilya na gawa sa kahoy at yero. Noong wala pang pirmihang pari, ang mga misa ay ipinagdiriwang lamang kung may paring nagkakataong dumating.
Si Fr. John Stieger ay pinalitan ni Fr. Juan Scholl, SVD. Sa panahon ni Fr. Scholl ang maliit na kapilya ay nasira ng isang malakas na bagyo. Lumipas ang sampung taon at si Fr. Erwin Thiel, SVD ang naging kura-paroko.
Sa ilalim ng pamamahala ni Fr. Thiel ang parokya ay umunlad at nagtagumpay. Bilang isang tunay na alagad ni Kristo, inakit niya ang mga tao na mapalapit sa Diyos, sa pamamagitan ng paglalaan ng kristiyanong edukasyon para sa kanila. Nagtayo siya ng malaking simbahan, naglagay ng mga kapilya sa mga barangay at nagtatag ng ibat-ibang samahang pangrelihiyon. Siya ang nagtatag ng Puerto Galera Academy na naging daan sa edukasyon ng mga kabataan. Ang paaralang ito ay itinatag para sa layuning ito. Gayunman ang mga gusaling ito ay unang binalak upang bigyan ng kanlungan ang mga katutubong Mangyan na mas ninais na mamuhay sa kanilang likas na kinagawian sa kabundukan.
Sa panahon ni Fr. Thiel ang mga tumulong na pari bilang assistant parist priest ay sina Fr. Willie Gantes, SVD, Fr. Win Leijendekker, SVD at si Fr. Jose Tinambacan, SVD. Si Fr. Thiel ay namahinga sa kanyang panunungkulan noong 1974 nang hindi na niya kayang hawakan ang pangangalaga ng parokya dahil sa kanyang katandaan. Gayunman, siya ay nanatili sa Puerto Galera hanggang kamatayan noong 1981. Dito rin siya inilibing sa bayan na kanyang pinakamamahal.
Si Fr. Henry Schenk, SVD, ang sumunod bilang pari ng parokya noong 1974. Ipinagpatuloy niya ang gawaing iniwan ni Fr. Thiel. Ang kanyang mga naiambag para sa pag-unlad ng bayan ay hindi rin maitatatwa. Sa ilalim ng kanyang pamamahala ang samahang pangrelihiyon ay muling pinasigla at ang mga pagtuturo ng katekismo ay binuhay sa mga paaralan.
Sa taong 1980, si Fr. Cenon V. Garcia, isang paring sekolar, ang sumunod na pari nang parokya. Ang tumutulong sa kanya noon ay si Fr. Joey Hetalia na siya ring naging punong-guro ng Puerto Galera Academy. Nadistino rin noon si Frt. Jim Ruga sa parokya para tumulong kay Fr. Garcia. Isa sa mga pinagtuunang pansin ni Fr. Garcia ay ang mapanatili ang katatagan ng pananampalataya ng mga tao, mapalalim ang kanilang spiritual at moral na paniniwala at ang mapaglabanan ang anumang masasamang halimbawa na nakikita sa mga dayuhang namamalagi sa Puerto Galera.
Ang mga ito ay nagin hamon rin sa sumunod na pari ng parokya na si Fr. Facifico Ambion, Jr., SVD. Naging kura paroko siya mula 1986 hanggang 1988. Bukod sa pagiging kura paroko, naging patnugot din ng Puerto Galera Academy. Marami rin siyang mga pagbabagong ginawa sa parokya. Nagkaroon ng paglilipat ang mga pari kaya’t nang taong 1988 nalipat siya sa Mission House.
Abril 1988, dumating isang paring Aleman na si Fr. Karl Koenig, SVD. Nanungkulan siya hanggang 1994. Tulad ng ibang kura paroko, naging patnugot din siya ng Puerto Galera Academy. Nagkaroon ng pag-unlad ang parokya lalo’t higit ang paaralan. Sa panahon din niya dumating ang mga madreng Sisters of Charity of St. Anne. Sila’y nadistino sa Talipanan upang tulungan ang mga Mangyan.
May 1, 1994, dumating ang isang paring Amerikano na si Fr. Lloyd Fiedler, SVD. Nagkaroon ng bagong bihis ang parokya. Maraming pag-unlad ang parokya na makikita sa kasalukuyan. Siya rin ang patnugot ng Puerto Galera Academy. Sa kanyang panunungkulan nagsimula ang Grade School ng PGA at noong 1996 ay naging kompleto ito. Maraming mga gusali ang ipinatayo ni Fr. Lloyd para punan ang lumalaking populasyon ng paaralan. Sina Frt. Gerry Songcog at Frt. Ansel Dilang ay nadistino rin para tumulong sa parokya. Sa kanyang pagsusumikap, noong May 6,1997 ay naging bahagi ng Sisters of Charity of St. Anne ng parokya at paaralan.
Matapos ang paglilingkod ni Fr. Fiedler, pumalit sa kanya ang ating kasalukuyang masipag ng pari ngayon si Fr. Jose San Juan Jr., SVD. na siya ring tumatayong patnugot ng Puerto Galera Academy. Katulong pa rin ni Fr. SJ ang mga Sisters of St. Anne.