Pagsira sa gubat, sanhi ng baha

“Sa tanang buhay ko, ngayon lang bumaha ng ganyan kalaki?”

Karaniwang salita ng mga matatanda na naninirahan sa Poblacion, Balatero at White Beach pagkatapos maging saksi sa malakas na baha na dumaloy sa kanilang lugar.

Hindi na kataka-taka na tumataas ang baha kada taon. Alam nating lahat na ang pangunahing sanhi ng baha ay ang patuloy na pagwasak sa ating kagubatan. Alam nating lahat na kapag walang pumipigil at sumisipsip sa tubig ulan, ito ay dadaloy sa mababang kapatagan patungo sa dagat.

Maswerte pa rin ang bayan natin at ipinag-adya tayo sa trahedya. Maliban sa pagkasira ng bahay, walang nagbubuwis ng buhay tuwing may baha. Magpasalamat tayo at ganito lamang subalit maraming lugar sa Pilipinas ang hindi kasing swerte.

Hindi natin dapat kalimutan ang mga imahe ng trahedyang naganap sa Ormoc.

Bukod pa dito, mas mahalagang isipin natin ang “damage” na nai-dudulot ng baha sa ating kabuhayan, sa turismo. Ang ating lugar ay kilala sa magagandang coral reef na dinarayo ng mga turista para mag-snorkeling at mag-diving. Subalit mapapansin natin na kada taon ay pasama ng pasama ang kondisyon ng ating mga coral reef. Ayon sa mga eksperto, ito raw ay sanhi ng siltation. At ang pinaka-malawak at mapanirang siltation ay nagmumula sa malakas na baha.

Sandamak-mak na mga babala na ang sinabi sa atin subalit marami pa rin ang matigas ang ulo at ganid sa perang kinikita mula sa illegal logging. Naging epektibo ba ang programa ng pamahalaan laban sa pagwasak sa natitira nating kagubatan? Ang kasagutan ay makukuha sa lumalakas na baha. Makikita rin ito sa paghina ng supply ng tubig.

Kilala ba ninyo si Michael Wolf? Isang Aleman na nakatira sa Ponderosa na labis ang pagmamahal sa ating kagubatan. Ginawa niyang misyon ng kanyang buhay ang protektahan ang natitirang kagubatan ng Puerto Galera na ayon sa kanya ay 10% na lamang.

Aktibo si Michael at ang kanyang asawa sa paglaban sa illegal logging at kaingin. Kina-kalampag nila ang mga opisyales ng pamahalaan sa patuloy na pagkasira ng kabundukan. Nagbibigay sila ng mga seminars sa ating mga mag-aaral para ituro ang kahalagahan ng gubat. Tila mas mahal pa ng mga “dayo” ang ating kagubatan keysa sa mga taal na taga-Puerto Galera.
May kasabihang nasa huli ang pagsisisi. Ang mga pilosopo ay magsasabi na walang Ormoc na mangyayari sa ating bayan. Maaaring tama sila pero mayroon ding kasabihan na nagsasabi “Pinapatay ang Gansang nangingitlog ng Ginto” at ito ay totoo magdilim man o umaraw kapag sinira natin ang ating kagubatan. Kapag nasira ang mga Likas na Kagandahan ng Puerto Galera, pinapatay natin ang turismo, pinapatay natin ang ating kabuhayan.

Sa ngayon, kwento na lamang ang pwedeng sabihin natin sa ating mga anak kung gaano kaganda ang Puerto Galera noong bata pa tayo, kung gaano kasarap maligo sa malinis na dalampasigan, ang makulay na mga talaw, ang berdeng kabundukan. Pangalagaan natin ang ating kagubatan, hindi lamang para sa ating sarili kundi sa kinabukasan ng mga susunod na salinlahi.