Wala Nang Balik sa Lumang Biyahe

Marami pa rin ang nagtatanong kung bakit hindi na ibinabalik ang mga kahoy na bangkang de-katig sa biyahe mula Batangas papuntang Puerto Galera. Para sa ilan, ito ay mas mura at mas magaan sa bulsa. Pero ang totoo, hindi na ito pinapayagan ng batas.

Ayon sa MARINA (Maritime Industry Authority), ipinagbabawal na ang mga kahoy na bangka sa malalayong biyahe gaya ng Batangas–Puerto Galera dahil sa batas na Republic Act 9295 at MARINA Circular No. 2016-02. Layon ng mga batas na ito ang modernisasyon at kaligtasan ng mga sasakyang pandagat.

Nangyari na ang trahedya—isang outrigger ferry ang lumubog at maraming buhay ang nawala. Dahil dito, mas naging mahigpit ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga alituntunin.

Ang mga fastcraft at RORO na gamit ngayon ay gawa sa bakal at mas ligtas, pero mas mahal ang pamasahe. Bakit? Kasi mas malaki ang gastos: mahal ang diesel, kailangan ng lisensyadong kapitan at crew, mas komplikado ang maintenance, at may buwis, insurance, at iba pa.

Hindi ito pananamantala, gaya ng sinasabi ng ilang malilikot mag-isip.

Sa halip na magreklamo, mas mainam na tanggapin natin ang pagbabagong ito. Kung gusto natin ng mas murang biyahe, puwedeng ipanawagan ang diskuwento para sa mga estudyante, senior, o lokal.

Pero ang pagbabalik sa kahoy na bangka? Hindi na ito legal. Hindi na ito maaari.

Hindi na babalik ang mga outrigger ferries.